Panawagan ng mga Tsuperheroes ngayong Pasko, "laban lang!"
- The Whirl
- Nov 29, 2021
- 4 min read
By: Hannah Manalo
Graphics By: Gabryelle Dumalag

Bago mag-pandemya, hindi bababa sa limang jeep ang nasasakyan ko araw-araw. Mula bahay hanggang UP, mula Maskom hanggang Science Complex, naging parte na talaga ng buhay ko ang mga jeep na namamasada sa loob ng UP. Sigurado akong ganito rin ang karanasan ninyo.
Maglakad ka lang sa UP at mapapansin mo na sa bawat paglingon, may jeep na pula o berde ang bubong na nag-aabang sa may waiting shed o di kaya'y puno na ng mga pasaherong uwing-uwi na. Ayoko naman sabihing matamis na alaala na lang ito kasi naniniwala akong makakabalik pa tayo, pero para sa mga “tsuperhero” na nagpapatakbo ng mga jeep sa UP, ang mga jeep na punuan - may sabit pa nga! - ay tila panaginip na lang.
Mula nang mag—lockdown sa Pilipinas at magpataw ng guidelines ang Inter-agency Task Force (IATF) bilang tugon sa COVID-19, napakalaki ng ipinagbagong mundo ng mga tsuper sa UP. Kasabay ng paglipat ng moda ng klase sa remote learning, nawalan din ng pasahero ang mga jeep.

Ayon sa kuwento ni Ka Nolan Grulla, ang tagapagsalita ng UP Transport Group (UPTG) na nakapanayam ko, buhat ng pandemya, 150 pesos lang ang kinikita niya kada araw kapag mahina ang pasada. Ika niya, masaya na raw kung umabot ng 300 pesos ang kinikita mo.
Ganito ang realidad na kinahaharap ng 342 na tsuper sa ilalim ng UPTG. Binubuo ng anim na asosasyon (UP Ikot, UP Toki, UP Katipunan, UP SM North, UP Philcoa, at UP Pantranco), nagsimula ang kolektibong ito ngayong pandemya dahil sa matinding paghihirap na dinadanas ng mga UP jeepney drivers.
Ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng gobyerno ang isa sa pinakamabigat na suliranin ng mga tsuper sa buong Pilipinas ngayon.
Inilunsad ito noong 2017 at patuloy itong tinututulan ng mga jeepney drivers dahil sa pagiging anti-poor nito. Bagamat mabuti ang intensyon na pagandahin ang karanasan ng mga pasahero at bawasan ang epekto ng mga Public Utility Vehicles (PUV) sa klima, hindi nito isinasaalang-alang ang mga jeepney drivers, ang sektor na pinakaapektado ng repormang ito.

"Ang gusto nila, consolidation," sabi ni Ka Nolan. Sa ilalim ng PUVMP, napipilitan ang mga jeep na pumasok sa consolidated franchises ng mga kooperatiba o mga korporasyon. Kung hindi ka papasok sa isang consolidated franchise, hindi ka papayagang mamasada dahil ipinagbawal na ang pamimigay ng franchises sa mga single-unit.
At ang pinakamasaklap ay ang panukalang pagbabasura ng mga lumang jeep na papalitan ng mga modernong jeep. Siguro para sa mga pasaherong tulad natin, magandang pagbabago ito dahil may wifi at aircon ang mga bagong jeep, pero para sa mga tsuper, para mo na rin silang hinatulan ng kamatayan dahil sa taas ng presyo ng kada unit.
"Magbabayad ka ng mahigit dalawang milyon para palitan nila ang jeep mo," malungkot na ikinuwento ni Ka Nolan. Bagamat may 160,000 pesos na subsidy mula sa gobyerno, hindi sasapat ang 150 hanggang 300 pesos na kinikita ng mga tsuper araw-araw upang mabayaran ito.
Sa kabila ng pagpupumilit ng gobyerno na i-phaseout ang mga jeepney, ang panawagan ni Ka Nolan, na paulit-ulit niyang binaggit sa panayam, ay "laban lang."
Ikinuwento rin niya na wala namang UPTG bago ang pandemya. Dahil sa matinding pangangailangan ng mga tsuper na hindi pinayagang mamasada noong Enhanced Community Quarantine (ECQ), na naging 50% to 70% capacity lang ang pinayagan nang mas lumuwag ang lockdown, at napagkaitan ng ayuda mula sa gobyerno sa loob ng halos dalawang taon, nabuo ang UPTG at lalong lumakas ang panawagan na tutulan ang jeepney phaseout.

Kasabay ng patuloy na panawagan at paghingi ng pananagutan mula sa gobyerno, naglunsad ang UP Broadcasters' Guild ng isang fundraiser para sa ating mga UP tsuperheroes. Sa bawat Christmas Box na may lamang stone mug, chocolate spoon, parol sugar cookie, puto bumbong at bibingka earrings o keychains, capiz coaster, at sticker pack (siksik, diba!), 50% ng makukuha mula rito ay mapupunta sa kanila. Nagbukas din kami ng mga donation channels para sa mga nais magbigay ng suporta sa mga tsuper heroes.
Sa kabila ng kakulangan ng suporta mula sa gobyerno at sa kahirapan na idinulot ng pandemya, lalong umigting kay Ka Nolan ang kahalagahan at dignidad niya bilang isang tsuper at bilang isang Pilipino. Ang bawat patak ng krudo na binibili para patakbuhin ang jeep ay marka ng kaniyang halaga at dignidad. Sinisimbolo nito ang karapatan niyang humingi ng pananagutan at suporta mula sa gobyerno.

Hindi ako nagbibiro nang sinabi kong paulit-ulit na binaggit ni Ka Nolan ang "laban lang." Sa bawat pagbanggit ng mga kinahaharap na problema, optomistikong hinaharap ito ng mga tsuper, bitbit ang paniniwalang balang araw makakamit rin nila ang suporta para sa kanilang hanap-buhay.
"Laban lang."
Hindi lang ito mantra na inuulit-ulit sa sarili, ngunit isang panawagan din sa UP community at maging sa mga mamamayang Pilipino na tumindig kasama ang mga tsuperhero natin. Hangga't sa dumating ang araw na umaapaw na muli ang jeep ng mga pasahero, samahan natin ang mga tsuper sa laban na ito.
NO TO JEEPNEY PHASEOUT!
BALIK PASADA!
AYUDA NGAYON NA!
-----
Nais naming pasalamatan si Ka Nolan Grulla mula sa UP Transport Group para sa panahong binigay niya upang makipanayam sa amin.
Comments