top of page

Kaagapay

  • Writer: The Whirl
    The Whirl
  • Nov 27, 2019
  • 5 min read

by Corina Medina



Kupas man nang maituturing ang kasabihang hindi tayo nag-iisa sa ating paglalakbay, karapat-dapat pa rin itong sambitin marahil upang magsilbi bilang paalala sa atin. Madalas ang ating mga mata’y nakatutok lamang sa kung ano ang nasa harap natin, bilang pag-iwas na rin siguro sa pagbangga sa mga pader na ating dinaraanan. Minsan lamang maglaro ang ating mga mata sa kaliwa at kanan, ito ay upang siguraduhin naman na makatatawid tayo nang matiwasay.


Sa likod ng ingay na maririnig sa mga kwarto at pasilyo sa Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla, mayroong iilang indibidwal na bagamat madalas malampasan ng ating mga mata ay nararapat pa ring kilalanin.

Una na nating kilalanin ang isa sa maituturing na haligi ng programang Brodkasting.


Sa araw-araw na pagdaan o ‘di kaya’y paghiga sa pasilyo ng BC, hinding-hindi mo makaliligtaang marinig ang kilansing ng mga susi, na tila bang hudyat na nariyan na siya. Dagdag pa rito ay ang alingawngaw ng kanyang masiyahing tinig sa tuwing siya ay tinatawag ni Ma’am at Sir, at maging sa tuwing siya ay binabati ng estudyante. Wala nga sigurong nakapagtatapos ng BC sa nakalipas na labindalawang taon na hindi nakakakilala sa kanya. Siya ay walang iba kung hindi si Kuya Louie, o Luis Olid, Jr.


Subalit, kahit na artistahin level si Kuya Louie sa pagiging tanyag sa mga taga-Maskom, hindi rito nagsimula ang kanyang paglalakbay sa luntian at pula.


Bilang isang working-student noon, una munang nagtrabaho bilang janitor si Kuya Louie sa Pamantasan noong dekada ’80. Dito nagsimula na rin siyang magpalipat-lipat sa iba’t ibang kolehiyo—mula School of Economics hanggang sa Institute of Islamic Studies, kung saan 25 taon siyang tumagal. Mula sa pagiging utility man, library aide, at clerk ay kanya nang nagampanan. Ika nga niya, “kung saan may opening, ina-apply-an ko ‘yun.”


Maituturing naman ang taong 1998 bilang hudyat nang paglalakbay ni Kuya Louie sa Maskom. Ito ay kung kailan siya ginawaran ng fellowship upang makapag-aral ng technical course sa AMA, dagdag sa kanyang program na Management Engineering sa Feati University. Sa panahong ito ay tila ba doble-kara ang naging karakter ni Kuya Louie: manggagawa sa umaga, mag-aaral sa gabi.


At kagaya nga ng mainit-init na kasabihang: kapag may tiyaga eh may mahihigop na nilaga, si Kuya Louie ay kasalukuyan ng Senior Administrative Assistant II na sa kolehiyo, na may specialty sa audio-visual technical support. Kung isang kang certified BC student, tiyak na hindi mo mapapalagpas kilalanin ang lalaking ito na laging may nakasabit na salamin sa kanyang leeg.


Ngunit higit pa sa titulong nakaugnay sa pangalan ni Kuya Louie, siya ay isang kaibigang tunay na handang mag-abot ng tulong. Sa kauna-unahang production class na BC 102, si Kuya Louie ang to the rescue, ang iyong takbuhan. Kaya naman imposibleng hindi mo maaaninag kahit man lang ang anino niya. Alam mong sa oras na umikot ang mga kamay sa orasan, at ika’y mag-on air, hindi lamang ang iyong crew ang naka-standby, bagkus maging si Kuya Louie rin. Siya ay laging alerto at handang rumesbak kung sakaling magkaroon ng aberya. At bago pa man din magsimula ang lahat, panatag ang iyong loob dahil alam mong nauna nang magset-up ng kagamitan si Kuya Louie—hindi nakalilimutang magbigay ng paalala sa inyo, maging ang iilang sikreto at bonus tips.


At kung sa iyong palagay ikaw lamang ang nakakahinga nang maluwag matapos ang iyong produksyon, nagkakamali ka—dahil higit na mas malalim na hininga ang naibuga ni Kuya Louie. Ito ay dahil maging siya ay nagtagumpay sa kanyang trabaho na umagapay sa iyo. Para sa kanya, higit sa patching at routing ang kanyang gampanin bilang technician. Ang tunay na sarap ng kanyang trabaho ay ang makapag-assist sa bawat BC student, at makitang magtagumpay ang bawat isa. Ang tanong ay hindi kung naka-on ba ang mic, bagkus ay kung nagamit ba ito nang matiwasay. Hindi kung tapos na ba ang produksyon, kundi kumusta ang naging produksyon.


Para rin kay Kuya Louie, ang mga klase ng 102 ay mayroong espesyal na lugar sa kanyang puso. Dito kasi nagsisimula ang paglalakbay ng bawat BC student tungo sa media production. Ito rin ang hudyat upang magkaroon ng magandang relasyon sa pagitan ng mga estudyante na tila bang nangangapa pa sa dilim. At sa oras na matapos mo ito, para kay Kuya Louie, hindi ka na lamang “ordinaryong sundalo” bagkus ay may ranggo ka na at handa ka nang humarap sa mga susunod na bakbakan sa production classes.


Samantala, maliban sa pagiging Handy Manny ng departamento, si Kuya Louie ay madalas ding gumanap bilang guro. Hindi man mga teorya ang kanyang panangga, practical applications at tricks of the trade naman ang kanyang pabaon sa mga mag-aaral. Minsan na rin siyang nagturo sa harap ng aming klase, at dama mo ang gaan ng paligid habang siya ay nagde-demonstrate sa kung anong button, fader, o icon ba ang dapat galawin. At tulad nating mga mag-aaral na pinagpapawisan nang malagkit sa tuwing nawawala sa proseso, ipinakita rin sa amin ni Kuya Louie na siya mismo ay nakadarama rin ng kaba at taranta. Na bagaman siya ay bihasa, at eksperto nang maituturing, eh tila bang siya ay nanganganib ding makatanggap ng tres o singko.


At syempre higit sa mga aral na maipababaon sa iyo ni Kuya Louie tungkol sa production, ang higit kong hinahangaan mula sa kanya ay ang kalidad kung papaano siya magtrabaho. Ipinapakita ni Kuya Louie na bagamat matagal ka na sa isang industriya, ang pagkatuto ay kailanma’y hindi humihinto. Patuloy ang proseso ng pag-aaral, at ang mga araling ito’y hindi dapat isinasarili, bagkus ay ibinabahagi sa iba. Sapagkat para sa kanya, “Change the Campus, Change the World.”


Kaya siguro hindi na rin ako nagtaka sa kung bakit samu’t saring mga retrato ang nakapaskil sa munting opisina nila ni Kuya James na kanila na ring binansagan bilang “Wall of Fame”. Mga retrato ng mga nakangiting gradweyt ng BC—mga estudyante na minsan nang humingi ng saklolo, at minsan pang tinulungan ni Kuya Louie. Mga estudyante na sana’y patuloy na pangangalagaan ang kanilang mga pangarap para sa bayan, at patuloy na lilingon sa kanilang pinanggalingan. “Patuloy sa pakikibaka, huwag kakalimutan balikan lagi ang pinanggalingan,” ang kanyang mensahe sa mga dating estudyante na ngayon ay kanya nang sinusubaybayan sa midya.


At kung sakaling hindi ka pa sumasablay, malawak pa ang espasyong naghihintay ng iyong retrato. Payo pa sa’yo ni Kuya Louie, tibayan ang iyong loob at huwag panghihinaan sa napili mong kurso. Patuloy na lumaban at magpursigi tungo sa iyong pangarap. Paalala rin niya na ang mga cassette tape na iyong gagamitin simula sa 102 ay isang pagbalik sa nakaraan upang maging mas matatag tayo sa hinaharap.


Sa pagbabalik naman sa kasalukuyan, kontento at panatag na si Kuya Louie sa kabila ng umaalingawngaw na ingay ng Maskom. Para sa kanya, dito pinaka-tumibok ang kanyang puso, at dito niya na rin nakikita ang kanyang pagreretiro. Dito sa Maskom, nakita niya ang pagsasakatuparan ng kanyang pangarap na makapagsanay pa ng ibang staff, at makatulong ng marami pang estudyante. Dito sa Maskom, patuloy siyang magiging iyong kaagapay.


PS: Isa pa sa mga pangarap mula sa puso ni Kuya Louie ay ang makapagtayo ng isang foundation para sa mga kidney patients, bilang pag-alala na rin sa kanyang asawa. Bagaman mahirap itong maisakatuparan, umaasa siyang makatulong sa higit na pagpapalaganap ng impormasyon tungkol sa mga karamdamang ito, maging sa tamang pangangalaga.

Commentaires


bottom of page