From a struggling isko to another: 'just keep swimming'
- The Whirl
- Oct 16, 2021
- 4 min read
By: Corina Medina
Graphics by: Patricia Dacanay

Mataas ang sikat ng araw, presko ang simoy ng hangin. Sa iyong kaliwa't kanan ay mga taong nakaupo't nakatitig—kanilang atensyon ay nakabaling sa 'yo. Narinig mong tinawag ang iyong pangalan na sinundan ng masigabong palakpakan. Magbibigay ka nga pala ng talumpati. Sa iyong paglapit sa mikropono ay ang kalansing ng mga nag-uumpugang mga medalyang mistulang kwintas sa iyong leeg. Pagbati, ang galing mo lods!
Pero anong nangyari ngayon? Malamang sumagi na rin ito sa iyong isipan pagtapak mo sa kolehiyo. Anyare?
Tama nga si Anthony sa That Thing Called Tadhana, "Pagdating ko ng UP…akala ko magaling na ko eh, marunong lang pala.”
Oo, masakit, mabigat—para kang binuhusan ng malamig na tubig at nagising sa katotohanan na ‘yung dating estudyanteng laging may medal, pambato sa compet, at nagbibigay ng talumpati ay isa na lamang alaala ng kahapon. Habang ang ikaw ngayon ay laging naghahabol sa tambak na submission, umiiyak habang tumutungga ng kape para sa all-nighters, at sinusubukang ngumiti sa dos na lumalabas sa CRS. Ang dating dapat perfect, ay napalitan ng pwede na 'yan.
Kaya ang tanong ko sa 'yo, kumusta ka na?
Totoo namang mahirap lunukin ang pagbabagong ito. Ikaw ba naman, sa loob ng mahigit sampung taon ay naniwalang ikaw yung “the mighty one”—outstanding, brilliant, excellent. Pagkatapos biglang pagpasok mo ng college—boogsh—ghorl u really thot??? Nag-iisip ka pa lang ng sagot mo kay Prof, yung katabi mo mga isang minuto nang nakikipagtalastasan ng sagot niya. Nagtatawag na ng mga pangalan ng awardees pero sa halip na tumayo, inayos mo lang ang pagkakasalang ng iyong pwet sa upuan at ipinagsasalubong ang iyong mga palad para patuloy na pumalakpak. Ang dating walang kasinlaki na ngiti tuwing bigayan ng report cards ay napalitan ng mga namumuong luha sa mata habang naghihintay ng grado sa CRS, sabay bigkas ng kung anong orasyon, “kahit tres lang sana.”
Sakit 'no? Pero ang mas mabigat, nakakapagod ‘di ba?
Sabi nga ni Quest, "Ginawa mo na ang lahat, pero ‘di pa rin sapat."
Dati naman halos lagariin mo na ang lahat ng extracurriculars pero honor student ka pa rin, walang mintis. Pero ngayon, halos hindi ka na nga makatulog—running on caffeine 24/7— delikado pa rin kung papasa ba.
Ang gusto ko lang naman sabihin sa 'yo ay hindi ka nag-iisa dyan, at mas lalong hindi naman lubhang masama ang nararamdaman mo. Sabi nga ng isa kong kaibigan, "big fish, small pond" ang high school experience ko, isang realization na sumagi sa ‘kin pagpasok ko ng UP. Oo, magaling ka naman talaga; sa high school environment na mayroon ka dati. Pero kasi nagbago na ang iyong ginagalawan—lumawak, at lumalim ito.
At hindi ka nag-iisa. Ako mismo ay nagulat pag-apak ko ng kolehiyo. Kung anong dami ng mga medalya, sertipiko ang aking naiuwi noon, ay siya namang kinaunti ng aking tiwala sa sarili ngayon. Nakabibigla, nakatatakot, nakapanliliit pero hindi dapat tumigil dito ang ating mundo. Kaya naman, ito ang iilan sa aking mga natutunan mula sa revealing at shocking experience na ito.
1. Humble yourself. Andami mo pang matututunan mula sa iba.
Kung dati ay nangangalay ang iyong balikat kaka-recite, baka panahon na ngayon upang makinig ka naman sa iba. Pinakamalaking realization ko talaga pagpasok ng UP ay, “Sobrang dami pa pala ng hindi ko alam,” at hindi naman ito automatically negative. Ngayon, naeenjoy ko ang pakikinig sa iba kong kaklase at ang bibig ko naman ang nangangalay ngayon kaka- “wow, ang galing!” Gamitin mo ang pagkakataong ito upang matuto mula sa ibang tao na madalas ay may baong ibang pananaw upang mas lumawak pa ang iyong kaalaman.

2. Discover yourself. Kilalanin ang iyong sarili sa tulong ng ibang tao.
Sa paglangoy natin mula sa small pond patungong vast ocean mas dumarami ang ating mga nakakasalamuha. At bagaman hindi lahat ay magtatagal o makatutulong, patuloy lang dapat ang ating paglangoy.
Sabi nga ni Dory, “just keep swimming.”
Huwag na huwag kang magpapatalo sa feeling of intimidation, huwag mong iisiping “nako, mas magaling siya sa akin kaya iiwas na lang ako para hindi mapahiya.” Connect with other people dahil sa pamamagitan nito ay makikilala mo rin ang iyong sarili—ano ang iyong prinsipyo, paninindigan, pananaw. Hindi lang tayo natututo mula sa iba, kung hindi ay kasama rin nila.

3. Challenge yourself. ‘Wag magpakain sa takot, kaya mo ‘yan in your own way.
From experience, alam kong mas madaling tumigil, umiyak, at panghinaan ng loob kaysa hamunin at hikayatin ang iyong sariling lumaban. Imagine naman kasi, star-studded ka buong high school (ang iba nga mula pa noong preschool) tapos sa isang kurap wala na lahat. Pero katulad nga rin noong mga bata pa tayo, natuto tayong tumayo mula sa pagkakadapa. Hindi naman maitatanggi na iba talaga ang kultura ng college mula sa high school. Curriculum, grading system, people, well, basically the whole environment; at kung hindi ka handa, magugulat ka at posibleng madala ng takot. Go lang, matakot ka sa umpisa—take it all in, pero pagkatapos mong huminga nang malalim, laban na ulit.
At hindi mo kinakailangang lumaban with the same energy, rigor, strength katulad noong high school. Nalagpasan at kinalakihan mo na ang pond na iyon. College na ‘to, at oras na para lumangoy nang ayon sa agos nito. You’re not the same student as you were, and that’s perfectly normal. Stop weighing yourself down for trying to adjust and survive in a new environment. Easy ka lang mhie, magtiwala ka sa sarili mo. Darating din ang oras na masasanay ka at makukuha mong lumangoy muli: this time, the college way.
Nakatatakot, pero kakayanin! Basta ba handa kang magbago para sa nagbago mo ring ginagalawan. O siya, langoy na ulit tayo!
Comments